SPORTSMANSHIP. Niyakap at kinumusta ni Eumir Marcial (kanan) si Arman Darchinyan (kaliwa) matapos ang kanilang laban.

TOKYO, Japan — Patuloy ang pamamayagpag ng Pinoy boxers sa Tokyo Olympics.

Matapos umusad sa kani-kanilang weight divisions sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam kahapon, sumuntok din ng puwesto sa semi-finals si Eumir Marcial sa Men's Middleweight tilt Linggo (Agosto 1).

Nagtala ng knockout win si Marcial kontra kay Arman Darchinyan ng Armenia upang mapanatiling buhay ang tsansa ng Pilipinas na makapag-uwi pa ng isang gold sa quadrennial meet.

Pinabagsak ng tubong Zamboanga ang pamangkin ni Vic Darchinyan sa nalalabing 49 segundo ng first round upang maikasa ang semis clash laban kay Ukrainian world champion Oleksandr Khyzhniak sa Agosto 5.

Ito na ang ikalawang sunod na KO ni Marcial — unang biniktima si Algerian Younes Nemouchi noong Huwebes.

Hindi na nakabangon pa si Arman Darchinyan mula sa pinakawalang right hook ni Eumir Marcial dahilan upang itigil ng referee ang laban.

Sa isang panayam, hindi makapaniwala si Marcial na madaling matatapos ang laban.

"I didn't expect I would finish the fight in the first round because I know he's a good boxer, a strong boxer. [But] that's boxing, you know? You don't expect the punch," ani ng 25 taong gulang na boksingero.

Sa kabilang banda, kapwa sumulong sa susunod na round sina Petecio at Paalam sa featherweight division nang magsumite ng mga impresibong panalo.

Sinibak ni Petecio si Irma Testa ng Italy sa bisa ng 4-1 split decision upang makatiyak ng pilak na medalya para sa bansa.

Pinataob naman ni Paalam si three-time Olympian Mohamed Flissi ng Algeria upang sumulong sa quarterfinals.

Nagpasalamat si Eumir Marcial sa mga tagahanga at sumuporta sa kanya sa labang ito.

Pinagkunan: Inquirer Sports
Kuha ni Luis Robayo/AFP


This free site is ad-supported. Learn more